Contractor sa ghost projects ‘kakanta’ – DOJ

MANILA, Philippines — Ibinunyag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na isang abogado ng isa sa top 15 contractor ng kontrobersyal na mga flood control projects ang lumapit sa kanya upang maging whistleblower ang kanyang kliyente.
“I have been approached by a lawyer representing a potential whistleblower and they have told me—, he’s given me an idea of what happened in one of the projects in Central Luzon, in projects worth P5 billion. Ghost projects,” ani Remulla sa press briefing.
“Siya ‘yung lawyer ng isang kumpanya na nasa top 15 na binanggit ng Pangulo,” dagdag pa niya.
Mainit ang mga isyu sa diumano’y ghost projects na pinaiimbestigahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kabilang sa tinukoy ng potensyal na whistleblower ang modus operandi, paghahati-hati ng pera, ang mga kontrata at iregularidad.
“Hindi pa tumutuloy. Nagbigay lang sa akin ng idea na ‘yung contractor ang kinuha 40%, ang DPWH ganto, na ma-encash ‘yung pera… kahit na DPWH lang ang payable sa contractor. Basta’t marami nang modus na sinabi sa akin nu’ng Sabado,” anang kalihim.
Ngayong Sabado ay may pupunta sa kanya at hinihintay niya ang ebidensya na ipiprisinta sa kanya ng abogado.
Sinabi ni Remulla na bukas ang DOJ sa sinumang nais maging whistleblower, at kung kinakailangan ay maaring maipasok sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) para sa kanilang seguridad.
- Latest















