COA Inspection Teams kasado na vs Bulacan flood control projects

MANILA, Philippines — Bumuo na ang Commision on Audit ng isang technical inspection team na bubusisi sa mga flood control projects sa Bulacan mula Enero 1, 2022 hanggang Hulyo 21, 2025.
Nakasaad sa memorandum na pirmado ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba na prayoridad na aalamin ang mga proyekto na may contract cost na may pinakamalaking halaga.
Umaabot sa P44 bilyon ang nailaan para sa flood control ng Bulacan, pinakamalaki sa buong Region 3 na katumbas ng 45% ng allocated budget. Kabuuang P98 bilyon naman ang inilaan sa buong Central Luzon mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025, o 18% ng P548 bilyong pondo sa buong bansa.
Bubusisiin din ang mga physical existence at status ng mga proyekto at ia-assess alinsunod sa aprubadong work program and schedule at dapat ding may videos at geo tagged pictures ang mga documentation.
Sisilipin din kung umangkop ang mga disenyo at specifications sa approved plans at kung may kalidad ang mga ginamit na materials sa flood control projetcs.
Nauna nang ipinag-utos ng COA chairman ang pagsasagawa ng fraud audit sa flood control projects sa Bulacan, bilang bahagi ng hakbang ni Pangulong Marcos na papanagutin ang mga responsable sa mga pumalpak na proyekto kontra baha sa iba’t ibang panig ng bansa.
Noong Agosto 19, napasakamay na ng COA Fraud Audit Office ang unang batch ng mga importanteng dokumento kaugnay ng mga naturang proyekto sa nasabing probinsiya.
- Latest























