AKAP ‘zero’ sa 2026 national budget
MANILA, Philippines — Inalisan na ng pondo ang Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng panukalang P6.793 trilyong 2026 national budget ng pamahalaan.
Kinumpirma ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman, na tinanggal na ng gobyerno ang naturang social welfare program.
“Doon po sa AKAP, wala po ‘yung AKAP sa budget ng DSWD for next year,” ayon kay Pangandaman.
Ang AKAP ay unang inintrodyus noong 2023 ni Speaker Martin Romualdez at dating House Appropriations Chairman Rep. Elizaldy Co upang magkaloob ng pinansyal na ayuda sa mga minimum wage lamang ang kinikita mula sa mahihirap na mga Pinoy na apektado ng mataas na inflation.
Subalit umani ng pagbatikos mula sa mga kritiko ang umano’y “pet project” ni Romualdez na naisali sa 2024 national budget at maging sa taong 2025 kung saan nasa P26 bilyon ang alokasyon kada taon.
Ipinaliwanag naman ni Pangandaman na hindi na pinondohan ang AKAP sa ilalim ng 2026 National Expenditures Program (NEP) ng gobyerno dahil na rin sa limitadong fiscal space.
Samantala, may pondong P113 bilyon para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) Program.
Nasa 4,400,000 marginalized household beneficiaries ng 4Ps ang mabibigyan ng iba’t ibang pinansiyal na tulong.
Tulong pinansiyal din para sa manggagawang magigipit dahil sa iba’t ibang dahilan tulad ng kalamidad ang silbi ng TUPAD.
- Latest


















