Post ni Mon Tulfo sa 'overcharging,' binatikos ng mga doktor
MANILA, Philippines — Mariing kinondena ng mga health advocates at medical associations ang isang viral post ni broadcaster Ramon Tulfo na umano’y naninira sa isang surgeon at nag-aakusa ng sobrang singil sa isang mahirap na pasyente — akusasyong tinawag nilang mali at walang basehan.
Sa pahayag ng Philippine Medical Association (PMA) nitong Linggo ng gabi, Agosto 10, lumabas sa kanilang imbestigasyon na mas mababa ang totoong professional fee ng doktor kaysa sa sinabing P85,000 sa post ni Tulfo.
Ayon kay PMA president Hector Santos, matapos ang pag-uusap ng doktor at pasyente, P45,000 lamang ang singil. Dagdag ng asosasyon, ang professional fee ay nag-iiba depende sa “hirap at uri ng serbisyong ibinigay.”
“Isinilbi ang pasyente nang may lubos na malasakit ng ilang doktor sa loob ng mahigit 20 araw. Hindi makatarungan ang paratang na ‘heartless treatment,’” ayon sa PMA.
Kasama ring nagpahayag ng suporta ang Philippine College of Physicians (PCP) para sa surgeon at sa lahat ng medical professionals na “nag-aalay ng buhay para sa paggaling ng pasyente.” Tinawag nitong “irresponsable” ang pagpapakalat ng mga akusasyong walang beripikasyon laban sa mga manggagamot, dahil nakakasira ito ng tiwala ng publiko sa propesyon.
Tulfo, dinepensahan ang sarili
Sa kabila ng batikos, muling nag-post si Tulfo nitong Lunes para ilahad ang mahigit P350,000 tulong pinansyal na nakuha umano ng pasyente mula sa Malasakit Center, mga kaanak, ilang politiko at foundation. Giit niya, kahit may ganitong tulong, P139,000 pa rin ang kailangang bayaran ng pasyente. Aniya, kung wala ang professional fee, nasa P25,000 na lang sana ang balance.
Ayon kay Tulfo, sinabi ng anak ng pasyente na walang operasyon na ginawa kundi paglilinis lang ng sugat, kaya duda siya sa laki ng singil.
“Nagsisinungaling ‘yung isa sa kanila,” ani Tulfo sa panayam sa dzMM, tinutukoy ang medical groups at ang anak ng pasyente. Aniya, dapat ilantad ang pagsingil ng sobrang professional fee sa mahihirap.
Nanawagan naman ang PMA at PCP sa publiko na maging maingat sa paghusga at i-verify muna ang impormasyon. “Constructive dialogue — hindi public vilification — ang daan para maresolba ang mga isyu at mapabuti ang ating healthcare system,” wika ng PCP. — Mula sa ulat ni Dominique Nicole Flores
- Latest



















