P5K hazard pay sa prosecutors na humahawak ng ‘high risk’ case

MANILA, Philippines — Tatanggap ng P5,000 hazard pay kada buwan ang mga public prosecutors o mga piskal na nalalagay sa panganib ang buhay dahilan sa mga hinahawakang high risk na mga kaso.
Ito’y sakaling mapagtibay ang House Bill (HB) No 2664 na muling isinulong ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na naglalayong mabigyan ng P5,000 hazard pay ang mga piskal na humahawak ng mga delikado at sensitibong kaso na may kaugnayan sa terorismo, illegal na droga, katiwalian, money laundering at iba pang high risk offenses.
Binigyang-diin ni Romualdez ang mahalagang papel ng mga pampublikong piskal sa pagpapatibay ng rule of law.
“As a consequence of their duties and exposure to hazardous situations, many prosecutors have received death threats and a number of them have been killed in the line of duty,” sabi ni Romualdez.
Tinukoy sa panukala na madalas na nagiging target ng banta at karahasan ang mga piskal, kung saan hindi bababa sa 13 ang napatay habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa nakalipas na dekada, habang humahawak ng mga sensitibo at high-profile na kaso.
Saklaw ng panukalang batas ang mga piskal mula sa National Prosecution Service ng Department of Justice (DOJ) na naitalaga sa mga high-risk na lugar o kaso, kabilang na ang may kaugnayan sa pambansang seguridad, transnational crimes, environmental offenses at mga nakatalaga sa mga conflict zones, tinatamaan ng kalamidad at mga liblib na lugar.
- Latest


















