10-anyos minimum age sa criminal responsibility pinalagan sa Kamara

MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ni Kabataan Partylist Rep. Atty. Renee Louise Co si Senador Robinhood Padilla kung bakit gigil na gigil ang huli na maipakulong ang mga menor-de-edad na nagkasala sa batas.
“Walang batang kusang papatay ng kapwa tao dahil lang protektado siya ng pagkakakulong. Ang sahol ng judgment ni Sen. Padilla sa kabataan para sabihing lumalakas ang loob ng mga itong i-risk na maging kriminal”, pagtutol ni Co.
“May pag-aaral bang nagpapatunay nito? Huwag po sana puro bias ang pinapairal. Bakit galit kayo sa kabataan? Kung krimen din lang ang usapin, bakit gusto niyong iligtas sa paglilitis si Rodrigo Duterte na mastermind ng mga heinous crimes na pumaslang ng libu-libong kabataan habang pangulo, pero ang mga batang nagkasala, gusto ninyong mapakulong?”, ani Co na sinabing ang mga bata kahit pa labis ang paglabag ay puwede pa magbago pero ang mga matanda ay hindi na.
Ayon kay Co, walang maitutulong ang pagpapakulong sa mga bata para sugpuin ang krimen kung malaya ang mga mastermind at masamang impluwensya.
Para naman kay Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima, hindi solusyon sa krimen manapa’y trauma lamang ang idudulot sa hanay ng mga bata ang panukala ni Padilla na ibaba sa 10-anyos ang kriminal na pananagutan sa batas.
“Hindi kriminal ang bata. Ang batang naligaw ay hindi dapat kinukulong kundi kinakausap, inaaruga, at binibigyan ng pag-asa,” ayon kay de Lima.
Hindi na aniya bago ang panukala ni Padilla kundi recycle na ideya na lamang.
Sinabi ni de Lima na importante na makasagip ng buhay ng mga bata sa halip na bigyan ang mga ito ng maagang kalbaryo.
- Latest

















