First LadyLiza idinepensa ng advocacy groups vs ‘smear job’
MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ng apat na advocacy groups na pinamumunuan ni Dr. Jose Antonio Ejercito Goitia ang karapatan ni First Lady Liza Araneta-Marcos sa pangyuyurak sa pagkatao niya sa “smear job” na nakakaapekto rin sa kulturang Pinoy.
Ani Goitia, chairman Emeritus ng People Alliance for Democracy and Reform (PADER), Alyansa ng Bayan para sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, ang kamakailang direktang pag-atake sa social media kay FL Liza, na nag-uugnay sa kanya sa pagkamatay ni Paolo Tantoco, gamit ang isang pekeng police blotter, ay layuning iligaw ang isip ng publiko, magdulot ng galit at pagkalito.
“Sa mga kapwa ko Pilipino, huwag tayong magpaloko, Mag-isip at maging mapanuri, magtanong at huwag hayaang hubugin ng kasinungalingan ang ating pang-unawa. At kay First Lady Liza Araneta-Marcos, hindi ka nag-iisa, Nakikita ng marami sa amin ang gawaing ginagawa mo at biyayang haharapin mo sa kabila ng lahat ng ingay na ito na yumuyurak sa iyong pagkatao, kami ay patuloy na tatayo, kasama mo,” ani Goitia sa isang pahayag nitong Sabado.
Iginiit ni Goitia na dapat managot, hindi lang sa legal, kundi sa mga mata ng mga taong nagmamalasakit pa rin sa katotohanan.
“Ngayon ay ang Unang Ginang, bukas, maaaring ang iyong guro, isang mamamahayag, o kahit isang pribadong mamamayan. Kailangan nating itaas ang antas para sa makatotohanang pampublikong paghahayag at tanggihan ang nakakalason na kultura ng mga mapanlinlang na kasinungalingan,” dagdag pa niya.
Bukod sa cyber libel, falsification of public documents, at Safe Spaces Act, makakatulong din ang international cooperation na kinasasangkutan ng mga ahensya tulad ng Beverly Hills Police Department at US Embassy na masubaybayan kung sino ang gumawa at nagkalat ng pekeng blotter.
- Latest















