Atty. Kapunan nagboluntaryo sa House prosecution team

MANILA, Philippines — Nagboluntaryo ang beteranong abogado na si Atty. Lorna Kapunan na sumali sa House prosecution team sa napipintong paglilitis kay Vice President Sara Duterte sa Senate Impeachment Court.
Sinabi ni Kapunan na handa siyang tumulong sa prosecution panel dahil naniniwala siyang mapapatunayan nila ang kaso at sapat ito para ma-convict ang Bise Presidente.
Una nang binatikos ni Kapunan ang Senado dahil unconstitutional umano at kataksilan ang naging hakbang ng mga senator-judges sa paghawak ng impeachment ni VP Sara matapos itong i-remand at hindi litisin agad-agad tulad ng itinatadhana sa Saligang Batas. Gayundin sa pag-akto ng mga senator-judges bilang mga tagapagtanggol ni VP Sara na lihis sa dapat maging asal ng mga ito.
Si Kapunan ay 44 taon ang karanasan bilang abogado na nagtapos sa University of the Philippines sa kursong AB Political Science noong 1973, LLB Law noong 1978, nag-seminar sa Japan Institute of Invention and Innovation sa Tokyo noong 1977 at iba pa. Kabilang siya sa Top 100 sa mga mahuhusay na abogado sa Pilipinas.
Nasa 11-man ang prosecution panel na binubuo ng mga kongresista, mayorya rito ay mga abogado, isa ang imbestigador habang ang iba pa ay mga private volunteer lawyer. Ang defense team naman ni VP Sara ay 16 pribadong abogado.
Naniniwala ang House prosecution panel na apat sa 7 Articles of Impeachment na inihain laban kay VP Sara ay malakas na kaso para ma-convict ito, matanggal sa puwesto at mapatawan ng perpetual ban sa pagtakbo sa public office.
Ayon kay House prosecutor Joel Chua, ang kaso ay nakapokus sa apat na isyu - death threat laban kay Pangulong Marcos Jr., iregularidad sa paggasta ng P612 milyong confidential funds, bribery at hindi maipaliwanag na yaman.
- Latest


























