Smuggling ng imported na pulang sibuyas imbestigahan – AGAP
MANILA, Philippines — Nanawagan nitong Huwebes si Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) convenor Rep. Nicanor “Nikki “ Briones sa pamahalaan na imbestigahan ang pinagmumulan ng smuggling ng pulang sibuyas sa bansa.
Kasunod ito ng ulat ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ng smuggling ng pulang sibuyas sa isinagawang market inspection sa Paco public market sa Maynila.
Isiniwalat ni Tiu Laurel na hindi inawtorisa ng kaniyang departamento ang anumang sanitary at phytosanitary cleareance para sa importasyon ng pulang sibuyas.
Sa press conference sa Philippine Columbian PCA Complex sa Paco, Manila, hinikayat ni Briones ang Anti-Agricultural Economic Sabotage (AAES) Council, sa pangunguna ni Secretary Frederick Go, na imbestigahan ang pinagmulan ng mga smuggled na pulang sibuyas.
Samantala, upang makamit ng programa ng gobyerno sa hangad nitong ‘food security’ ay dapat aniyang dagdagan ang pondo ng Department of Agriculture (DA) para sa susunod na taon kaugnay ng pagtalakay ng Kongreso sa General Appropriations Act (GAA) ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa 2026.
Ayon kay Briones, kung dati-rati ay pangalawa ang DA sa may pinakamataas na pondo sa mga ahensya ng gobyerno ay pumapang-anim na lamang ito.
Sinabi ni Briones na dapat ay nasa P500 bilyon ang pondo ng DA at hindi P237.4 bilyon upang maging sapat ito para matulungan ang lahat ng mga magsasaka na palaguin pa ang kanilang ani o produksiyon.
- Latest
















