Teves nakakulong na sa Bilibid

MANILA, Philippines — Dinala na sa detention facility ng National Bureau of Investigation (NBI) sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City si Teves, kung saan siya pansamantalang idedetine para sa pagharap sa korte kaugnay sa patung-patong na mabibigat na krimeng kinakaharap kabilang ang diumano’y pagiging utak sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Iniharap sa media ni NBI Director Judge Jaime Santiago si Teves upang sagutin ang mga katanungan. Katabi ni Teves ang ina na si Zenaida Teves at legal counsel na si Atty. Ferdinand Topacio.
Sinabi ni Teves na magkahalong saya at lungkot ang kaniyang nadarama dahil makukulong siya kahit hindi pa siya nako-convict habang masaya naman dahil nakauwi at nakita ang ina.
Nagpasalamat din ang ina ni Teves kay Santiago at ikinuwento na 2 taon silang hindi nagkita at hindi madalaw sa Timor-Leste ang anak dahil naospital hanggang sa namatay ang kaniyang mister noong 2024. Sa pagkakataong iyon ay naluha si Teves at niyakap ang ina.
Hiling ni Teves na bilisan ang paglilitis sa kaniyang mga kaso at wala naman siyang magagawa dahil kailangan harapin ito upang matapos.
Pinapurihan naman ni Topacio si Santiago at lahat ng NBI personnel sa maayos at disenteng pagtrato sa kaniyang kliyente at hinimok ang iba pang pugante na sumuko na sa NBI at makatitiyak ng katulad na treatment, bagay na sinang-ayunan ni Teves.
Nitong Huwebes ng gabi nang dumating sa Pilipinas si Teves, na dumaan muna ng Davao ang Philippine Air Force, bago tuluyang lumapag sa Villamor Air Base alas?-1:18 ng gabi.
Idiniretso si Teves sa NBi headquarters sa Pasay City kung saan siya nagpalipas ng gabi at agad namang pinayagan ni Santiago na makasama ang ina na may bitbit na mga personal na gamit at damit, at si Atty. Topacio.
Sumailalim din si Teves sa booking procedure tulad ng mugshot, fingerprinting at medical check-up.
- Latest


















