Pinas sa US: ‘Wag i-deport mga Pinoy sa third countries

MANILA, Philippines — Hinimok ng Embahada ng Pilipinas ang gobyerno ng Estados Unidos na huwag ipatapon sa ibang bansa ang mga Pilipino na may illegal status, at sa halip ay i-deport pabalik sa Pilipinas.
Sinabi ito ni Philippine Ambassador Jose Manuel Romualdez sa isang pagpupulong kasama ang mga mamamahayag mula sa Pilipinas at Japan, kasunod ng alegasyon ang mga illegal immigrants ay ipina-deport sa third countries tulad ng El Salvador.
“The Philippine government made it very clear to the United States government that we will accept all Filipinos. In other words, we definitely would not want them to be deported to a third country,” ani Romualdez.
Aniya, sa taong kasalukuyan nasa 100 Pilipino ang na-deport dahil sa iba’t ibang dahilan, kabilang ang alegasyong sangkot sa mga krimen.
Nilinaw ni Romualdez na kahit dual citizen o anumang status ng Pilipino ay tatanggapin sa Pilipinas at hindi papayag na dalhin sa ibang bansa.
Gayunman, sinabi niya na nirerespeto niya ang mahigpit na patakaran ng Trump administration.
Nanawagan din siya sa mga Pinoy sa Estados Unidos na humingi ng tulong sa abogado o embahada kung may isyu sa immigration.
- Latest



















