Darlene Berberabe bagong SolGen; Menardo Guevarra out

MANILA, Philippines — Nanumpa na kahapon sa harap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang si Darlene Berberabe bilang bagong solicitor general kapalit ni Menardo Guevarra na dating nagsilbi bilang Justice Secretary sa ilalim ng Duterte administration.
Ibinahagi ng Presidential Communications Office sa social media ang larawan ng panunumpa ni Berberabe.
Si Berberabe ay nagsilbing dean ng University of the Philippines College of Law.
Ang tanggapan ng Solicitor General ay nagsisilbi bilang “law firm” para sa gobyerno.
Bago ang panunumpa ni Berberabe, kinumpirma mismo ni Guevarra na may kapalit na siya sa posisyon.
“I am happy for Darlene Berberabe. As a top-caliber lawyer with an impressive management background. She will surely do as well as Solicitor General,” ani Guevarra.
Sinabi rin ni Guevarra na babalik na siya sa tahimik na pribadong buhay.
Nanumpa rin sa harap ng Pangulo nitong Huwebes ang bagong hirang na Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Ramon Aliling.
Ang mga bagong appointment ay kabilang sa mga pinakabagong pagbabago sa Gabinete.
Matatandaan na inutusan ni Marcos ang kanyang mga appointees na magsumite ng kanilang courtesy resignation habang sinisikap niyang i-recalibrate ang kanyang administrasyon kasunod ng midterm elections.
- Latest

















