Tertiary education pondohan din sa Special Education Fund – Abalos
MANILA, Philippines — Nais ni dating Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, isa sa mga senatorial candidate ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas na luwagan pinaggagamitan ng Special Education Fund upang maisama sa matutulungan ang mga scholars hanggang tertiary level.
Ayon pa kay Abalos, dapat luwagan ang pinaggagamitan ng SEF na bawal ring gamitin kahit sa pagbili ng uniforms ng mga estudyante.
Sinabi ni Abalos na maraming mga local government units ang mayroon namang pera at kaya nilang tulungan ang mga estudyanteng kapos sa budget para matustusan ang pag-aaral.
Inihalimbawa ni Abalos ang kanilang pamilya kung gaano kahalaga ang edukasyon upang umangat sa buhay dahil ang kanyang lola ay isang dating “locker girl” at naging katulong din samantalang ang kanyang lolo ay isang hardinero.
“Yong aking lola ay isang locker girl sa Wakwak, isang katulong. Ang lolo ko ay isang hardinero. Ang tatay ko ay isang caddie at janitor. It is because of education na talagang sabi nga nila education is the great equalizer,” dagdag ni Abalos.
Dapat din aniyang tingnan ang panga-ngailangan ng mga estudyante na kahit pa libre ang edukasyon ay kailangan din ng pamasahe at baon sa eskuwelahan.
Ang SEF ay isang local government unit fund na mula sa real property tax na inilalaan sa public education bilang suporta sa operasyon at maintenance ng mga public schools kabilang ang konstruksiyon at repair, educational research at sports development.
- Latest


















