Abalos isusulong amyenda sa Rice Tariffication Law
MANILA, Philippines — Pinangunahan ni dating DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang isang dayalogo kasama ang mga magsasaka, Department of Agriculture (DA), National Food Authority (NFA), at Magsasaka Partylist kung saan tiniyak niya na isusulong ang pag-amiyenda sa Rice Tariffication Law sakaling siya ay mahalal sa Senado.
“Importante sa isang bansa ang mayroong pagkain at ang nagpapakain sa ating bansa ay kayong mga magsasaka. Kaya dapat lamang na makinig at pakinggan ang mga problema at isa-isahin natin kung paano ito masosolusyunan,” pahayag ni Abalos sa mga nagtipong magsasaka.
Ayon kay Abalos, dapat bigyan ng kapangyarihan ang NFA na bumili ng palay mula sa mga magsasaka sa tamang presyo at ibenta ito agad.
Ipinaliwanag ni Abalos na hinahadlangan ng kasalukuyang Rice Tariffication Law ang kakayahan ng NFA na suportahan nang epektibo ang mga lokal na magsasaka.
Binigyang-diin ni Abalos na ang pagbabalik ng kapangyarihan ng NFA na bumili ng bigas sa tamang presyo at ipamahagi ito nang direkta sa publiko ay mahalaga upang masiguro ang seguridad at abot-kayang presyo ng pagkain.
- Latest





















