Kandidato ibinida vote counting machine kayang ma-hack

Kinasuhan ng cyber libel ng Comelec
MANILA, Philippines — Isang vice mayoral bet sa Isabela province ang sinampahan ng Commission on Elections (Comelec) ng cyber libel complaint kaugnay ng video kung saan ipinakita umano kung paano ma-hack ang mga automated counting machine.
Inihain ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco ang reklamo sa Manila Prosecutors’ Office laban kay Isabela vice mayoral bet Jeryll Harold Respicio.
Nag-ugat umano ang pagsasampa ng kaso laban sa kandidato mula sa mga pahayag nito sa kanyang social media na kaya niyang i-manipula ang resulta ng May 12 midterm polls.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, isang misinformation ang ginawa ni Respicio at napaka-mapanganib dahil tila ikinukondisyon nito ang isip ng sambayanan na maaaring madaya ang halalan.
“Ito ay napaka-dangerous, napakamapanganib. Maliban sa misinformation, napakamapanganib sapagkat isipin niyo ngayon pa lang kinokondisyon ang sambayanan na pupuwedeng gawan ng paraan [ang pagakapanalo sa eleksyon],” ani Garcia, sa mga mamamahayag.
Nabatid na sa isa sa kanyang mga video, sinabi ni Respicio, na isang certified public accountant at tumatakbo sa pagka-bise alkalde sa bayan ng Reina Mercedes, na mayroon umanong backdoor programs na kayang mag-override sa Automated Counting Machines. Ipinakita pa umano ng kandidato kung paano ito ginagawa.
Ayon kay Garcia, hindi naman ang Comelec ang tinitira ni Respicio dito, kundi ang buong proseso at integridad ng halalan at tiniyak na hindi ito papayagan ng Comelec sa mga ganito.
Sinabi pa ni Garcia na bukod sa cyberlibel, sasampahan rin si Respicio ng disqualification case, disbarment case sa Integrated Bar of the Philippines (IBP), at kaso upang mabawi ang kanyang lisensiya sa Professional Regulation Commission (PRC).
- Latest
















