E-commerce, digitalization isinusulong ni Pacquiao
MANILA, Philippines — Muling lumalaban si Manny Pacquiao, ngunit sa pagkakataong ito, para sa pag-unlad ng e-commerce at digitalisasyon sa bansa.
Sa paglulunsad ng Star Digital at Manila E-commerce Center, binigyang-diin ng boxing legend at negosyante ang mahalagang papel ng e-commerce sa hinaharap ng negosyo, pag-unlad ng ekonomiya, at pagbibigay ng mas maraming oportunidad para sa mga negosyanteng Pilipino.
“Binabago ng e-commerce ang laro. Hindi na ito opsyon lamang—ito na ang kinabukasan ng negosyo,” ani Pacquiao.
“Sa buong mundo, ito ay nagdadala ng pag-unlad, lumilikha ng mga trabaho, at nagbubukas ng pinto para sa mga negosyante at brand upang magtagumpay. Naniniwala ako na may kakayahan ang Pilipinas na maging sentro ng rebolusyong ito.”
Bilang isang taong nagtagumpay mula sa kahirapan, binigyang-diin ni Pacquiao ang kahalagahan ng tamang platform at suporta upang umasenso.
“Alam ko kung paano magsimula mula sa wala. Alam ko ang pakiramdam ng lumaban para sa bawat oportunidad. At alam ko rin kung gaano kahalaga ang magkaroon ng tamang platform at tamang mga katuwang sa tagumpay,” aniya.
- Latest




















