MANILA, Philippines — Habang naghihikahos ang Pilipinas sa pananalasa ng anim na malalakas na bagyo sa loob lamang ng isang buwan, nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go pagaanin ang pasanin ng mga estudyante at kanilang pamilya sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
Dahil dito, kabilang si Go sa nag-akda at nag-sponsor ng Senate Bill No. 1864, o ang panukalang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act, na naghihintay na lamang ng pag-apruba ng Pangulo upang maging batas.
“Hindi na biro ang hirap na dinaranas ng ating mga kababayan. Sunod-sunod na bagyo, baha, at walang katiyakan sa kinabukasan. Hindi natin hahayaang maging dagdag-pasanin pa ang student loans sa gitna ng ganitong kalamidad,” sabi ni Go.
Ang iminungkahing batas ay nangangakong magkakaloob ng kagyat na tulong-pinansyal sa pamamagitan ng pagsuspinde sa mga pagbabayad ng pautang sa mag-aaral sa panahon at pagkatapos ng mga kalamidad. Layon nito na ang mga mag-aaral at pamilya ay makahinga nang maluwag sa kanilang muling pagbangon sa buhay.