Bong Go: Unahin ang kaligtasan sa bagyo!
MANILA, Philippines — Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang publiko sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo, partikular sa mga rehiyon tulad ng Bicol, na unahin ang kanilang kaligtasan at makipagtulungan sa mga awtoridad habang patuloy na namiminsala ang Severe Tropical Storm Kristine (international name: Trami) na nagdulot ng malawakang pagbaha at nag-iwan ng patay.
Binigyang-diin ni Go na mahalaga na maging alerto at ang pagsunod sa mga payo ng gobyerno habang pinaiigting ang search and rescue operations sa mga lugar na pinakamatinding tinamaan ng kalamidad.
Nilubog ng bagyong Kristine ang maraming nayon sa rehiyon ng Bicol, marami na ang namatay, libu-libo ang lumikas at nawasak na mga kalsada sa ilang komunidad.
Patuloy na kumikilos ang mga rescue team at ang Philippine National Police (PNP), para tulungan ang mga stranded na residente. Dahil sa matinding pagbaha, lalo sa Naga City at sa bayan ng Nabua, naging mahirap ang rescue operations, kung saan marami pa rin ang na-trap sa mga rooftop na naghihintay ng paglikas.
“Mahalaga po na laging handa. Kung maaari, mag-imbak ng pagkain, tubig, at iba pang pangangailangan para hindi maipit sa oras ng emergency,” dagdag ni Go.
Hinikayat niya ang mga nasa hindi gaanong apektadong lugar na mag-abot ng tulong sa kanilang mga kababayan at magboluntaryo sa relief efforts.
“Sa ganitong panahon, ang bayanihan at pagmamalasakit sa kapwa ang ating pinakamalakas na sandata. Kung kaya nating tumulong sa iba, gawin natin,” sabi ni Go.
- Latest