25K trabaho sa mga Pinoy sa Japan binuksan
MANILA, Philippines — Nasa 25,000 job opportunities ang iniaalok para sa mga Pilipino na naghahanap ng trabaho sa Japan, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Nakasaad ito sa post sa social media ng DMW nitong Sabado.
Ang special job fair ay ay gaganapin sa Agosto 1, 2024 sa Robinsons Galleria Ortigas sa Quezon City alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon na inorganisa ng DMW kasama ang Embassy of Japan bilang pagdiriwang ng Philippines-Japan Friendship Week na may titulong “Konnichiwa Pilipinas! Kumusta, Japan!”
Lalahukan ito ng 15 recruitment agencies habang ang mga kumpanya ay mag-aalok ng mga trabaho sa sektor ng construction, medical at healthcare, hotel at restaurant, at customer services, bukod sa iba pa.
Layunin sa job fair na ma-access ng mga nais magtrabaho sa ibayong dagat ang mga lehitimong recruiter.
May maikling information session sa Japanese-gendered work culture upang matutunan ng mga OFWs.
Ang Proklamasyon Blg. 854, na nilagdaan noong 2005 ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ay idineklara ang Hulyo 23 taun-taon bilang Friendship Day sa pagitan ng Japan at Pilipinas bilang parangal sa Peace Treaty and Reparations Agreement na pinirmahan ng dalawang bansa noong Hulyo 23, 1956.
- Latest