'Strip search' suspendido matapos ireklamo panghuhubad sa Bilibid visitors
MANILA, Philippines — Sinuspindi muna ng Bureau of Corrections (BuCor) ang "strip and cavity search" nito sa bisita ng mga preso matapos ireklamo dahil diumano sa makatanggal-dignidad na kapkapan.
Miyerkules lang nang mabahala ang Commission on Human Rights (CHR) matapos mabalitang pinaghuhubad at pinatutuwad ang ilang asawa ng political prisoners sa New Bilibid Prison — bagay na nagtulak sa Department of Justice (DOJ) mag-imbestiga.
"In view of the ongoing review of the BuCor's Procedures and Protocols on Strip Search and Cavity Search on PDL visitors, you are hereby directed to immediately steop the conduct of such searches until further notice," ayon sa dokumentong pinirmahan ni Director General Gregorio Catapang Jr. ngayong Biyernes.
"For strict compliance."
JUST IN: The Bureau of Corrections have suspended strip and cavity search among visitors of persons deprived of liberty (PDL) following reported complaints of "degrading and traumatizing" strip searches on PDL wives. | @PhilstarNews pic.twitter.com/rIBR0BCuS5
— Ian Patrick Laqui (@IanLaquiPatrick) May 10, 2024
Ang naturang memorandum ay ibinaba ni Catapang sa lahat ng officials of prison and penal farms (OPPF) superintendents.
Martes nang ilapit ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa House Committee on Human Rights ang diumano'y strip search na ginagawa sa mga asawa ng political prisoners ng Bibilid, na siyang tinawag na "humiliating, degrading, and traumatic."
Una nang sinamahan ng CHR sina Castro upang pormal na maghain ng reklamo't protesta dahil sa "pagpapahubad, pagpapatuwad at paninilip" sa mga maseselang bahagi ng babae habang hinahanapan ng droga atbp. ipinagbabawal na gamit. Isa sa mga sinearch ay isang senior citizen.
Ipinagbabawal ng Rules 51 at 52(1) ng United Nations (UN) Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners ang paggamit ng security searches para makapang-harass, manakot o basta-basta manghimasok sa privacy ng preso.
Isinasaad din dito na dapat itong gawin sa pribadong lugar ng isang trained staff na kapareho ng kasarian ng kinakapkapan.
Kamakailan lang nang sabihin ni Justice Secretary Jesus Crispin "Boying" Remulla na hindi nila kukunsintihin ang mga abusadong prison guards ng national penetentiary, lalo na kung mapatutunayang nagkasala.
Inililinaw sa ilalim ng BuCor operating manual paano magsagawa ng tamang search, ito habang idinidiin ang mga posibleng parusa sa mga mapatutunayang nagpupuslit ng kontrabando sa presuhan. — may mga ulat mula kay Ian Laqui
- Latest