Kaso vs Bell Kenz mahirap patunayan - Herbosa
MANILA, Philippines — Aminado si Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa na mahirap patunayan ang ibinabatong alegasyon sa Bell-Kenz Pharma na namimigay ito ng mga mamahaling sasakyan sa mga ilang doktor kapalit ng pagrereseta ng kanilang mga gamot.
Ayon kay Herbosa, hindi mo maaring sukatin ang kakayahan ng mga Doktor sa pagbili ng mga mamahaling kagamitan nila tulad ng sasakyan.
Tanong tuloy ni Herbosa, may katotohanan kayang niregaluhan ang mga doktor ng mamahaling sasakyan.
Naniniwala si Herbosa na madali ang mag-akusa ngunit ang mahirap ay ang patunayan ang iyong alegasyon.
“Yang mga doctor kaya namang bumili ng mga kotseng mamahalin dahil sa daming praktis ang tanong totoo bang ibibigay sa kanila, yun ang mahirap… madaling mag-accuse mahirap mag-prove,” ani Herbosa.
Umaasa si Herbosa na matutuldukan ang usapin upang mapawi na rin ang posibleng pagduda sa kakayahan ng mga Doktor na magpagaling ng pasyente at hindi ang kumita.
Nauna rito ay ipinahayag ni Bell-Kenz Pharma President and Chief and Executive Officer Luis Raymond Go na bilang isang doktor ay marami pa nga silang mga pro-bono cases kaysa ang kumita o maningil sa kanilang pasyente lalo na siya na nagsisilbing cardiologist sa Philippine Heart Center.
“Kami mga doktor hindi ang kumita ang aming pangunahing layunin kundi ang mapagsilbihan ang mga pasyente matugunan ang kanilang pangangailangang medikal at gumaling sila sa kanilang sakit o karamdaman,” ani Go.
- Latest