Livelihood skills training sa kababaihan, inilunsad

MANILA, Philippines — Bilang pagdiriwang ng nalalapit na Mother’s Day sa Linggo, ang Act Agri- Kaagapay Organization, sa pakikipagtulungan ng Batangas local government officials sa pangunguna ni Mayor Janet Ilagan, ay nag-organisa ng isang livelihood skills training program sa paggugupit at pag-rebond ng buhok kahapon, Mayo 8, sa Barangay Lumang Lipa, Mataas na Kahoy, Batangas.

Aabot sa 300 kababaihan at ilang kalalakihan, ang lumahok sa naturang training program, na may titulong “Gunting at Suklay Caravan” at pinasimulan ni Act Agri-Kaagapay Organization founder at president Virginia Ledesma Rodriguez upang matulungang maiangat ang pamumuhay ng mahihirap na pamilya, gamit lamang ang suklay at gunting.

Sa isinagawang Recognition ceremony sa covered court sa Bgy. Lumang Lipa, sinabi ni Rodriguez na isina­gawa nila ang proyekto dahil sa paniniwala niyang mabibigyan ng empowerment ang mga kababaihan sa pamamagitan nang pagtuturo sa kanila ng mga bagong kaalaman.

Nagbigay din ng cash assistance si Ms. Rodriguez sa lahat ng participants ng training.

Nabatid na si Rodriguez ay itinuturing na “adopted child” ng Batangas dahil sa mga livelihood projects na inilunsad niya sa lalawigan.

Bukod sa hair cutting at re-bonding training, ang bawat kalahok sa aktibidad ay pinagkalooban rin ng starter kit, na naglalaman ng kumpletong set ng hair cutting at hair re-bonding tools, upang kaagad nilang magamit at mapagkakitaan ang kanilang bagong kaala­man. Ang programa ay isinagawa ng mga trained industry professionals.

Ang Act Agri-Kaagapay organization ay isang pro-poor at pro-life organization na nagpapaabot ng tulong sa mga mamamayan, pa­ngunahin na ang mga maliliit na magsasaka, mangingisda, at indigenous peoples upang makapagtrabaho ang mga ito at magkaroon ng sariling pagkain sa kanilang hapag-kainan at maiangat ang estado ng kanilang pamumuhay.

Show comments