Fiscal autonomy at independence ng Judicial Branch itinulak ni Sen. Go

MANILA, Philippines — Sa pagdinig ng Senate committee on justice and human rights, kasama ang committee on finance, inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang suporta sa isang panukalang pahusayin ang fiscal autonomy ng Judicial Branch ng gobyerno ng Pilipinas.

Nauna nang inihain ni Go ang kanyang bersyon ng batas, ang Senate Bill No. 2111, na naglala­yong palakasin ang fiscal autonomy ng Judicial Branch.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang badyet na binalangkas ng Korte Suprema ay isasama sa pambansang badyet nang walang pagbabago. Gayunpaman, ang Department of Budget and Management (DBM) ay maaaring magmungkahi ng mga rebisyon pagkatapos kumonsulta sa Korte Suprema o sa Punong Mahistrado.

Higit dito, dapat awtomatikong ilabas ng DBM ang monthly cash requirements ng Hudikatura na hindi na kailangan ng request.

“The Judicial Branch of the government performs several undertakings that are vital in guaranteeing that the rule of law is appropriately upheld and that justice is duly served in the legal system,” ani Go.

“Para maisagawa ng sangay ng pamahalaan nang maayos ang mga tungkulin nito, hindi sila dapat hadlangan ng limi­tadong fiscal autonomy,” dagdag niya.

Pinasalamatan ni Go ang tagapangulo ng komite na si Sen. Francis Tolentino sa pagdinig sa panukala at kinilala ang kanyang kapwa may-akda na si Senate President Migz Zubiri.

“Sa pamamagitan ng panukalang ito, inaasa­han natin na matutulungan natin ang pagbibigay ng hustisya sa bawat kasong nakasalang sa ating mga korte sa mabilis at patas na paraan,” ayon kay Go.

Show comments