School year 2024-2025 tatapusin sa Marso - DepEd
MANILA, Philippines — Iminungkahi na ng Department of Education (DepEd) kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatupad ng mas maikling school year sa susunod na taon upang mapabilis pa ang pagbabalik ng old school calendar sa bansa, o yaong June-March school calendar.
Ayon kay DepEd Assistant Secretary Francis Cesar Bringas, nagsumite na sila ng liham sa Office of the President na nagpapanukalang bawasan ng dalawang buwan ang School Year 2024- 2025 upang matapos ito sa Marso 2025 at maibalik ang dating school break na Abril at Mayo.
“In response to the recent clamor for a more immediate reversion to the April-May school break, the department has already submitted a letter to the Office of the President presenting other option, including a more aggressive alternative of ending SY 2024-2025 in March 2025,” pahayag pa ni Bringas, sa kanyang pagdalo sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, na pinamumunuan ni Sen. Sherwin Gatchalian.
Ipinaliwanag naman ni Bringas na ang naturang agresibong aksiyon ay maaaring magresulta sa maraming implikasyon sa mga estudyante at mga guro.
Aniya, ang mga bata ay maaaring magkaroon ng school work maging araw ng Sabado dahil na rin sa mababawasang bilang ng araw ng in-person classes habang apektado rin ang school break ng mga guro, gayundin ang kanilang vacation pay.
“Definitely the aggressive approach that would end this coming school year by March 2025 would have several implications... We are looking at 165 days full in person if we do it aggressively,” ani Bringas.
“It will have an implication on the school break for teachers because we all know that teachers to a proportional vacation pay (PVP) that is 2 months after each school year, and the PVP is computed based on the number of school days in a given school year, so there has to be a compromise there,” dagdag pa niya.
Una nang sinabi ng DepEd na kailangang unti-untiin ang pagbabalik ng old academic calendar dahil makukumpromiso ang araw ng pahinga ng mga mag-aaral at ng mga guro.
May sinusunod na rin naman ang DepEd na two-year timeline para sa dahan-dahang paglilipat ng June-March calendar nang walang magaganap na drastic cut sa bakasyon ng mga mag-aaral at mga guro.
Gayunman, dahil sa mga panawagang madaliin ang school calendar shift ay nagprisinta na ang DepEd ng ilang alternatibong timelines sa Pangulo at kabilang na nga rito ang mas maikling SY 2024-2025.
Nilinaw naman ni Bringas na hindi sakop sa naturang panukala ang mga pribadong paaralan sa bansa.
- Latest