MANILA, Philippines (Updated 12:20 p.m.) — Binawi ng Phivolcs ang nauna nitong tsunami advisory matapos ang magnitude 7.5 na lindol na tumama hilagangsilangan ng Taiwan.
Miyerkules nang nagbabala ng "high tsunami waves" ang Phivolcs sa ilang bahagi ng Pilipinas na kaharap ng Karagatang Pasipiko, kabilang na ang Batanes Group of Islands, Cagayan, Ilocos Norte at Isabela.
"Based on available data of our sea level monitoring stations facing the epicentral area, no significant sea level disturbances have been recorded since 07:58 AM up until this cancellation," sabi ng Phivolcs.
"With this, any effects due to the tsunami warning have largely passed and therefore DOST-PHIVOLCS has now cancelled all Tsunami Warnings issued for this event."
Kaninang umaga lang nang sabihin ng Phivolcs na bandang 8:33 a.m. hanggang 10:33 a.m. darating ang mga alon dulot ng naturang lindol.
Una nang inirekomenda ng state seismologists ang pagpapalikas ng mga residente mula sa mga naturang lugar patungo sa matataas na erya o hindi kaya'y palayo sa mga anyong tubig.
Una nang sinabi ni Wu Chien-fu, direktor ng Seismology Center ng Central Weather Administration ng Taipei, na ito na ang pinakamalakas na lindol nangyari sa bansa sa loob ng 25 taon.
Setyembre 1999 nang huling magkaroon ng mas malakas na pagyanig dahil sa magnitude 7.6 na lindol, bagay na pumatay ng 2,400 katao.