^

Bansa

Lotto bettor '20 beses nanalo sa parehong buwan,' ayon sa PCSO list

James Relativo - Philstar.com
Lotto bettor '20 beses nanalo sa parehong buwan,' ayon sa PCSO list
Individuals place their bets at a lotto outlet in Kamuning, Quezon City on Friday, January 26, 2024.
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Tumaas ang kilay ng isang senador matapos mapag-alamang "paulit-ulit" nananalo sa lotto draw ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang iisang tao.

'Yan ang ibinahagi ni Sen. Raffy Tulfo matapos bigyan ng PCSO ng kumpletong listahan ng mga nananalo sa pataya ng gobyerno — ito habang iniimbestigahan ng Senado ang integridad ng PCSO games.

"'Yung PCSO nagbigay ho sa akin ng listahan... Medyo nakakataas ng kilay. Meron doon na isang tao nanalo ng 20 times in one month. Meron dun 10 times in one month," ani Tulfo ngayong Martes sa panayam ng dzBB.

"Siguro baka magkapangalan pero still pare-pareho 'yung premyo ang pinanalunan... Paulit-ulit in one month... Lalong tumambak ang mga questions."

Enero lang nang tiyakin ni PCSO General Manager Mel Robles na maaari nilang ibigay ang mga pagkikilanlan ng mga lotto winners kung ipapa-subpoena ng Senado matapos mapatunayan ine-edit ng naturang government-owned and controlled corporation (GOCC) ang litrato ng mga ipinapaskil na larawan ng nananalo.

Una nang sinabi ni Robles na minamanipula nila ang larawan at damit ng nananalo sa tuwing isinasapubliko ang pagkubra sa papremyo para matiyak ang kanilang kaligtasan.

Si Tulfo ang vice chairperson ng Senate Committee on Games and Amusement at siyang nangunguna sa imbestigasyon kung nagkakaroon na ba ng anomalya sa tayaan.

"Bakit tuwing draw, may nananalo na? Ngayon, walang mintis. Samantalang nu'ng panahon na wala pa tong e-lotto, ang tagal bago panalunan. Inaabot ng isang buwan, dalawang buwan," sabi pa ng senador.

Sisilipin ng PCSO

Sa hiwalay na panayam ng dzBB, sinabi ni Robles na paoobserbahan nila aniya ang datos na napansin ni Tulfo — bagay na pwedeng-pwede raw nilang mabusisi.

"Ako, personally, hindi ko po tinitingnan 'yon. Pero I'll check, I'll look into that kung meron pong ganon, kasi hindi naman po kami tumitingin na niyan after namin maibigay eh," paliwanag ng opisyal.

"Puwede imbestigahan 'yan. 'Di naman mahirap imbestigahan 'yan eh."

Ilang linggo pa lang ang nakalilipas nang masangkot uli sa kontrobersiya ang PCSO matapos magkaroon ng "glitch" sa lotto draw habang umeere.

Una nang ipinayo ni Sen. Imee Marcos na isuspindi muna ang draws habang hindi pa tapos ang mga imbestigasyon sa nangyari.

Ika-26 lang ng Enero nang idiin ni Robles na imposibleng mamanipula ang PCSO lotto draws, habang sinasabing "game of chance" talaga ito.

Taong 2022 lang nang masangkot sa malaking kontrobersiya ang PCSO nang tamaan ng 433 katao ang P236 milyong jackpot prize ng Grand Lotto 6/55, bagay na pinagdudahan nang marami.

LOTTERY

LOTTO

PHILIPPINE CHARITY SWEEPSTAKES OFFICE

RAFFY TULFO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with