^

Bansa

VP Duterte pinalagan 'trial by publicity' laban sa hearing snubber na si Quiboloy

James Relativo - Philstar.com
VP Duterte pinalagan 'trial by publicity' laban sa hearing snubber na si Quiboloy
Larawan ni Bise Presidente Sara Duterte
Released/Sara Duterte

MANILA, Philippines —  Sumisigaw ngayon ng "katarungan" si Bise Presidente Sara Duterte para sa isang religious leader na inirereklamo ng sexual abuse — na siyang nagtatago at hindi pa rin sumisipot sa pagdinig ng Senado at Kamara.

Ibinuhos ng ikalawang pangulo ang kanyang disgusto sa isang video message na inilabas ng suspendidong Sonshine Media Network International (SMNI), matapos ang aniya'y "hindi patas" na pagtrato ng lehislatura kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.

"Mga kababayan, ako po ay nakikiisa sa panawagan ng pagpapairal ng batas at katarungan sa hinaharap na isyu ni Pastor Apollo Quiboloy at ng [SMNI]," wika ni Sara ngayong Lunes sa X (dating Twitter).

"Sa mga ginagawang pagdinig ay tila pinatawan na ng guilty verdict si Pastor Quiboloy, kahit na nakabatay lamang ang pagdinig na ito sa mga paratang ng mga testigo na nagkukubli ng kanilang katauhan at hindi mapatunayan ang kredibilidad."

Isang linggo na ang nakalilipas nang i-"cite in contempt" ni Sen. Risa Hontiveros si Quiboloy dahil sa patuloy na hindi pagtestigo sa Senado kaugnay ng reklamong pang-aabuso, dahilan para irekomenda ng Senate committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na ipaaresto na ang KOJC leader.

Si Sara ay anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na siyang kaibigan ni Quiboloy. Kamakailan lang nang italaga si Digong bilang property administrator ng KOJC.

'Korte ang dapat mag-imbestiga'

Kasalukuyang wanted sa US Federal Bureau of Investigation (FBI) si Quiboloy para sa patung-patong na kaso ng sex trafficking ng kababaihan at menor de edad.

Sa kabila nito, hindi pa nagre-request ng extradition ang Amerika para mapasakamay nila ang "Appointed Son of God."

"Hindi biro ang mga pangyayari at paratang na ganito. Nararapat lamang na mabigyan ng patas na laban at sa tamang korte," dagdag pa ni VP Duterte, na nakuha pang isipi ang Matthew 5:11-12 ng bibliya.

"Lagi po tayong manalangin para sa hustisya at katotohanan. Justice and the truth cannot be achieved in trial by publicity, but by a day in court."

Lunes noong nakaraang linggo lang nang sabihin ng Department of Justice (DOJ) na inirekomenda na nilang makasuhan ng child abuse aat human trafficking si Quiboloy sa korte.

Una nang pinalagan nina Sen. Robinhood Padilla at tatlo pang senador ang pagpapa-contempt kay Quiboloy sa ngalan ng "separation of church and state," kahit na pwede namang litisin ang mga relihiyosong gumagawa ng krimen. Sa halip, inirerekomenda nina Padilla na hayaan gumulong ang kasong itinutulak ng DOJ.

Kasalukuyang nagtatago sa otoridad sa Quiboloy sa gitna ng subpoena sa kanya ng parehong Kamara at Senado dahil aniya sa bali-balitang ipapapatay siya nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Amerika. Itinanggi na ito ng presidente at hinikayat siyang humarap sa mga hearing.

vuukle comment

APOLLO QUIBOLOY

DEPARTMENT OF JUSTICE

HUMAN TRAFFICKING

OFFICE OF THE VICE PRESIDENT

RISA HONTIVEROS

RODRIGO DUTERTE

SARA DUTERTE

SENATE

SEXUAL ABUSE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with