DOJ: Kanselasyon sa passport ni Teves, final & executory na
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Department of Justice (DOJ) na final at executory na ang kanselasyon ng pasaporte ni dating Negros Oriental Arnolfo Teves Jr..
Sa isang pulong balitaan kahapon, ipinaliwanag ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano na ang 15-day period para maghain ng apela sa desisyon ng hukuman na nagka-kansela sa pasaporte ni Teves ay nagtapos na kamakalawa, Pebrero 26, Lunes, sanhi upang maging pinal na ito.
“As of today, actually as of yesterday, nag-lapse na po ‘yung 15 days doon sa decision of the court na kina-cancel ‘yung kanyang passport. So after 15 days, nagiging final and executory ‘yung decision na yon. So as of today, canceled na po ‘yung passport ni Ginoong Teves,” ayon pa kay Clavano.
Matatandaang noong unang bahagi ng Pebrero ay kinansela ng isang Manila court ang pasaporte ni Teves dahil sa patuloy nitong pagtanggi na umuwi ng Pilipinas at harapin ang mga kasong isinampa sa kanya, kaugnay nang pagpatay sa yumaong si Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Si Teves ay kasalukuyan umanong nasa East Timor at humihiling ng political asylum.
Nakipag-usap na rin si Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla kay East Timor President José Manuel Ramos hinggil sa pananatili doon ni Teves. Nangako naman umano si Ramos na makikipag-cooperate sila sa Pilipinas.
Gayunman, kinumpirma ni Clavano na walang extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at East Timor.
Nangangahulugan aniya ito na walang obligasyon ang naturang bansa na i-turn over ang dating mambabatas sa Pilipinas.
- Latest