2-buwang sanggol, 3-anyos na bata nasagip sa Davao de Oro landslide
MANILA, Philippines — Milagrosong nabuhay ang isang 2-buwang-gulang na sanggol at 3-anyos na batang babae tatlong araw matapos matabunan ng gumuhong lupa sa Barangay Masara, Maco, Davao de Oro.
Ito ang ibinahagi ng Philippine Red Cross sa isang Facebook update ngayong Biyernes matapos ang landslide na nangyari sa isang gold mining village. Sinasabing nag-o-operate dito ang kumpanyang Apex Mining.
"PRC Rescue Team leader Van Solinap identified the rescued children as a three-year-old girl from Zone 1, Masara, Davao de Oro, and a two-month-old boy," wika ng Red Cross sa isang pahayag kanina.
"The two were immediately taken to the Doctors Community Hospital in Mawab by the PRC Emergency Medical Services team and were transported by the PRC’s Davao de Oro and North Cotabato ambulance units."
Umabot na sa 15 ang namamatay mula sa naturang landslide, ayon sa municipal government sa ulat ng GMA News. Bukod pa ito sa 110 kataong nananatiling nawawala.
Sa kabutihang palad, 31 sugatang indibidwal naman ang na-rescue sa ngayon. Una nang ibinalitang idinulot ang landslide ng tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan.
Una nang sinabi ng Philippine Coast Guard na nakapaghanap pa ang kanilang canine rescue unit na si "Appa" ang hindi bababa sa tatlong bangkay matapos ang insidente.
Kanina lang nang ipahayag ni PRC chairperson Dick Gordon ang kanyang pagkatuwa sa pagkakasagip ng dalawang bata habang kino-congratulate ang PRC Rescue Team na pinangunahan ni Van Solinap.
"I am proud of you for your hard work and persistence to recover every missing person from the landslide," banggit ng dating senador.
"Thank you, Van and team, for bringing hope amid despair and showing that PRC is always first, always ready, always there."
Hindi kasama sa LPA, Amihan casualties
Inilinaw naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na hindi pa kasama ang 15 casualties ng Maco landslide sa 20 patay na kanilang naitala sa Davao Region dulot ng trough ng low pressure area (LPA) at Hanging Amihan.
Aniya, under validation pa rin ang sanhi ng pahgkamatay ng 20 kung kaya't hindi pa nakakapaglabas ng opisyal na ikinamatay ng mga nabanggit.
Pumalo na sa 1.19 milyon ang mga apektadong residente ng dulot ng mga pagbaha at rain-induced landslides buhat ng naturang weather systems sa:
- Northern Mindanao
- Davao Region
- CARAGA
- Bangsamoro Islamic Autonomous Region in Muslim Mindanao
Pumalo naman na sa P123.54 milyong halagang pinsala na ang naitatamo sa imprastruktura kaugnay ng masungkit na panahon.
Nakapagbahagi naman na ng P146.66 milyong halaga ng ayuda sa porma ng family food packs, generator sets, hygiene kits, atbp. sa mga apektadong lugar sa Davao Region at CARAGA.
- Latest