2024 edition ng Philippine ROTC Games, simula na
MANILA, Philippines — Opisyal na sinimulan nitong Lunes ang ikalawang edisyon ng Philippine Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Games (PRG) na itinatag ni Senator Francis “Tol” Tolentino sa pamamagitan ng paglagda sa isang memorandum of agreement sa Tejeros Hall sa Camp Aguinaldo.
Tiwala si Senador Tolentino na ang PRG sa loob ng 50 taon ay magiging makabuluhang sandali sa kasaysayan ng Armed Forces at ROTC. Sinabi rin niya na ang PRG 2024 ay magiging daan para mai-develop ang kabataang Pilipino sa kanilang kontribusyon sa kasaysayan ng bansa.
“Nababanaag ko na po na ito ay magiging tagumpay sa paghubog ng kabataang Pilipinong disiplinado, mapagmahal sa bayan,” wika ni Sen. Tol.
Ang nasabing pagpirma sa MOA ay sinamahan nina Defense Secretary Gilbert Teodoro, AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr., CHED Chairman Dr. Prospero de Vera, DILG assistant secretary Rolando C. Puno, at Philippine Sports Commission (executive director Paulo Francisco Tatad.
Sinabi ni Brawner na ang nasabing palaro ay magbibigay ng mahahalagang aral na huhubog sa kabataang Pilipino upang maging mga lider sa hinaharap.
Sinang-ayunan naman ito ni De Vera na nagsabing ang ROTC Games ay pagpapakita, hindi lamang ng pisikal na lakas, kundi maging ng halaga ng mga magiging tagapagtanggol ng ating bansa.
Samantala, binigyang-diin ni DND Secretary Teodoro kung paano ang PRG ay isang epektibong kasangkapan na maaaring magbigay ng interes sa kabataan para sa pakikipagsapalaran na makatutulong sa bansa.
Ang inaugural edition ng PRG noong 2023 ay nilahukan ng 3,090 ROTC-cadet athletes sa buong bansa.
- Latest