PNP walang nakikitang banta sa Traslacion
MANILA, Philippines — Walang nakikitang banta ang Philippine National Police (PNP) sa seguridad sa nalalapit na pagdiriwang sa Kapistahan ng Itim na Nazareno.
Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, mas pinaigting pa nila ang kanilang security preparations at intelligence hanggang sa araw Enero 9, araw ng kapistahan.
Ang kapistahan ng Black Nazarene ay isa sa mga dinadagsa at ipinagridiwang ng milyun-milyong Katoliko taun-taon.
Maging ang Traslacion o prusisyon ng Itim na Nazareno, ang sumisimbolo sa katatagan ng mga Katoliko hanggang sa maibalik sa Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo church.
Nabatid kay Fajardo na nakikipag-ugnayan sila kay Manila Police District Director Col. Arnold Thomas Ibay kaugnay ng pagsasagawa ng simulation exercises para sa Traslacion.
Nagsisimula ang Traslacion mula sa Quirino Grandstand sa Rizal Park.
Batay sa ruta ng Traslacion, kakaliwa ito sa Katigbak Street diretso sa Padre Burgos St. at Finance Road, Palanca, Arlegui, Fraternal, Vergara, Duque de Alba, Castillejos, Farnecio, Nepomuceno, Concepcion Aguila, Carcer, Hidalgo, Bilibid Viejo, Gil Puyat at J.P De Guzman Streets; dadaan sa ilalim ng Quezon Bridge patungong Villalobos St. paliko ng Plaza Miranda at papasok ng Quiapo church.
Ibabalik ang dating nakagawiang Traslacion matapos itong pansamantalang isuspinde dahil sa Covid-19 pandemic.
- Latest