KMU dismayado sa 'katiting' na P30 wage hike sa CAR, Bikol at Eastern Visayas
MANILA, Philippines — Bagama't may umento sa minimum sahod ang mga manggagawa mula sa tatlong rehiyon sa bansa, idiniin ng isang grupo ng mga manggagawang napakaliit nito at hindi gaano mapakikinabangan.
Martes lang kasi nang ianunsyo ng Department of Labor and Employment na inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) ang dagdag na P30 sa minimum na pasahod sa Cordillera Administrative Region, Bicol and Eastern Visayas.
"Katiting, napakakupad. Too little, too late," banggit ni Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis, Huwebes, sa isang pahayag.
"P30 lang ang idinagdag ng mga RWB sa sahod ng manggagawa sa mga rehiyon ng Cordillera, Bicol Eastern Visayas. 'Di man lang magkakasya sa pamasahe papunta at pauwi ng trabaho."
Dahil sa naturang pay hike, maitataas sa mga sumusunod ang minimum na halaga ng pasahod sa mga sumusunod na lugar:
- Bicol Region: P395 (lahat ng sektor at industriya)
- Eastern Visayas: P375 (agrikultura, cottage at handicraft)
- Eastern Visayas: P405 (non-agriculture at service/retail establishment na may 11 empleyado pataas)
- Cordillera: P430 (para sa lahat ng minimum wage earners sa pribadong sektor)
Ang mga nabanggit ay malayo-layo sa P610 kada araw na minimum wage para sa non-agricultural workers sa National Capital Region, ang pinakamataas sa buong Pilipinas.
Malayong-malayo ang mga ito sa P750 daily wage increase na hinihiling nina Makabayan bloc solons House Deputy Minority Leader France Castro, House Assistant Minority Leader Arlene Brosas at Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel sa buong bansa bunsod ng mabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin.
Malayo sa 'family living wage'
Kung malayo na ang mga bagong minimum wage sa panukalang inihahain ng mga kinatawan sa Konggreso, lalabas na mas maliit pa rin ang mga ito kung ikukumpara sa "family living wage."
Ang mga sumusunod ang family living wage o minimum na sahod na kailangang kitain kada araw para mabuhay nang "disente" ang isang pamilyang may limang miyembro, ayon sa pinakahuling datos ng IBON Foundation:
- Bicol Region: P1,138
- Eastern Visayas: P856
- Cordillera: P1,191
Ganyan ang inilabas na datos ng IBON kahit una nang sinabi ng Philippine Statistics Authority na bumagsak sa 4.9% ang October inflation rate dahil sa "mas mabagal" na pagtaas ng presyo ng pagkain.
"Ito na ang pamaskong handog ng gobyernong Marcos Jr.? Barya-barya! Paulit-ulit pinapakita ng mga Regional Wage Board ang kawalang-pakelam sa mga manggagawa, at ang kanilang pagkakait ng nararapat," dagdag pa ni Adonis.
"Sa mga Kongresista at Senador, hamon ng manggagawa sa inyo na magpasa ng batas para sa makabuluhang dagdag-sahod bago matapos ang taon. Panahon na rin upang ibalik ang National Minimum Wage - iisang minimum saanman sa bansa."
Una nang sinabi ng DOLE na ipatutupad ang panibagong wage order sa Bicol sa ika-1 ng Disyembre habang magiging epektibo naman ito sa EV sa ika-30 ng Nobyembre.
Ililimbag naman ang wage order sa CAR sa ika-19 ng Nobyembre at ipatutupad nang hindi lalagpas sa ika-5 ng Disyembre.
- Latest