IBP, law schools tutulong vs vote buyers, sellers
MANILA, Philippines — Tutulong sa Commission on Elections (Comelec) sa paglaban kontra vote-buying at vote-selling ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) at Philippine Association of Law Schools (PALS) para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ito ay makaraang magpirmahan ng isang memorandum of agreement ang Comelec, IBP at PALS nitong Sabado, kung saan magiging pangunahing tulong na ibibigay ng mga abogado at law students ay ang pagpapakalat ng impormasyon ukol sa vote-buying at selling.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, na kailangan talaga ng ahensya ng lahat ng tulong sa iba’t ibang ahensya at sektor ng Pilipinas para malinis ang sistema ng halalan sa bansa.
Sinabi naman ni Comelec Commissioner Ernesto Maceda, Jr. na maaari rin na makatulong ang mga abogado at law students sa prosekusyon ng mga isasampang kaso ng pinamumunuan niyang Committee on Kontra-Bigay.
Nagpahayag ng kahandaan sina Atty.Antonio Pido, IBP national president; at Dean Gemy Festin, PALS president, sa pagtulong sa adhikain ng Comelec.
Sa kasalukuyan, isang kaso pa lang ng vote-buying ang kanilang namo-monitor. Ito ay ang nai-post sa social media ng mga kandidato sa Barangay San Bartolome sa Quezon City na namimigay ng mga pagkain sa mga residente na may packaging ng kanilang grupo.
Pinadalhan na ng Comelec ang grupo ng mga kandidato ng ‘show-cause order’.
Maaari pa rin naman umano silang makatakbo dahil ang order ay para pa lamang mabigyan sila ng pagkakataon na makapagpaliwanag.
- Latest