RISE program solusyon sa P20/kilo ng bigas
MANILA, Philippines — Naniniwala si AGRI-party-list Rep. Wilbert Lee na posibleng makamit ang P20 kada kilo ng bigas kung maitatatag ang Rice Incentivization, Self-Sufficiency, and Enterprise (RISE) Program.
Sa kanyang paghahain ng House Bill 9020 o Cheaper Rice Act, sinabi ni Lee na sa ilalim ng programa, maglalaan ang gobyerno ng pondo para sa subsidiya sa pagbili ng palay sa halaga na sigurado ang kita ng mga magsasaka habang ang mabibiling bigas ay ibebenta sa consumers sa mas murang halaga.
Nabatid na ang Department of Agriculture (DA) katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang sangay ng pamahalaan ang maglalatag ng pricing structure para sa pagbili ng palay.
Una nang sinabi ni Lee na bagama’t welcome ang price ceiling na P41 kada kilo na regular milled rice at P45 kada kilo ng well milled rice, posibleng maging limitado ang supply ng bigas sa merkado kung hindi mababantayan.
“Kapag nasiguro ang kita ng mga magsasaka, wala pong makakaisip na ibenta ang kanilang lupa. At dahil may kita na, mas lalong magsusumikap ang ating mga magsasaka na itaas ang produksyon” ani Lee.
Mahihikayat din aniya ang kabataan na pasukin ang pagsasaka na makakatulong sa pagtaas ng produksyon, mapapababa ang presyo sa merkado.
Makakatulong din ito sa pagkamit sa food security kung saan kailangan ng bansa na umasa sa importasyon at darating ang araw na Pilipinas na ang mag-e-export ng bigas.
Dagdag pa ni Lee, kailangan din palakasin ang Anti-Agricultural Smuggling Act upang bukod sa smugglers, ay mapanagot din ang mga hoarders, price manipulators at mga kasabwat sa gobyerno na dahilan ng pagsipa ng presyo ng agri products tulad ng bigas.
- Latest