Magna Carta for Seafarers iginiit ni Sen.Bong Go
MANILA, Philippines — Muling itinulak ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagpapasa ng inihain niyang Senate Bill No. 1191 na naglalayong magbigay ng Magna Carta para sa mga Filipino seafarer.
Ayon sa senador, vice chair ng Senate committee on migrant workers, napakalaki ng papel ng Filipino seafarers sa pandaigdigang kalakalan at transportasyon sa dagat, gayundin ang malaking kontribusyon ng lahat ng overseas Filipino workers sa ekonomiya ng bansa.
Ang panukalang batas, kung maipapasa ay sasaklaw sa mga isyu na kadalasang nakaaapekto sa mga marino.
Makakatulong ito na matiyak ang karapatan ng mga marino sa bansa sa disente at makataong trabaho. Magtatakda rin ito ng gabay para sa mga marino sa pagsasanay, trabaho sa ibang bansa, at pagreretiro.
“Ako ay walang humpay sa paghahangad ng interes at kapakanan ng ating OFWs, kabilang ang mga marino. Hanggang ngayon ay patuloy kong ipinaglalaban ang kapakanan ng ating seafarers dahil hindi po biro ang kanilang trabaho na mapalayo sa pamilya para mabigyan lang sila ng mas magandang kinabukasan,” paliwanag ni Go.
Ani Go, ang Pilipinas ang pangunahing pinagmumulan ng maritime labor at itinuturing na manning capital ng mga marino sa buong mundo mula noong 1987.
Sa 1.5 milyong marinero sa buong mundo, 25% ay Filipino sea-based worker, itinuturing na pinakamalaking nationality bloc sa industriya ng maritime.
- Latest