PNP naka-heightened alert na
MANILA, Philippines — Naka-heightened alert na ngayon ang lahat ng unit ng Philipine National Police (PNP) upang masiguro ang seguridad ngayong Holy Week.
Ito ang sinabi ni PNP Officer in Charge, Deputy Chief for Administration Police Lt. Gen. Rhodel Sermonia kung saan mahigit 77,000 police personnel ang ipakakalat sa matataong lugar upang mabigyan ng seguridad ang mga namamanata gayundin ang namamasyal at nagbabakasyon.
Ang heightened alert status ay epektibo na simula pa alas-8:00 ng umaga nitong Linggo at tatagal hanggang alas-8:00 ng umaga sa Abril 11.
Ang Holy Week ay taunang ginugunita, kaya’t dapat lamang na masiguro na walang karahasan o gulo na mangyayari dulot ng ilang grupo.
Una nang sinabi ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo na wala namang natatanggap na banta ang PNP sa ngayon.
Dahil dito sinabi ni Sermonia bumuo siya ng mga red teams na mag-iinspeksyon sa deployment ng mga pulis.
Ipinaubaya naman ni Sermonia sa mga Police Regional Offices ang pagtakda ng mas mataas na alert level depende sa sitwasyon sa kanilang area of responsibility.
- Latest