PSN: Ibang Eba na nga!
MANILA, Philippines — Iba na nga ang pananaw ng marami sa lahi ni Eba.
Dahil hindi na lang sa loob ng tahanan nakikita ang halaga nila, kundi sa tungkulin ng pamamahala at pagbalikat sa importanteng mga desisyon sa iba’t ibang larangan.
Ang Pilipino Star NGAYON (PSN) ay kaisa sa paniniwala na ibang Eba na nga ang nasa modernong panahon. Dahil mula sa pagiging simple ay sinisimbolo ng mga kababaihan ang mataas na antas ng moral standard, inner strength, pambihirang pagtitimpi, katatagan at kakayahang magpatuloy sa buhay.
Sa madaling salita, ang bahagi ng mga kababaihan ay makikita na kung saan-saan. Bagay na hindi naman kataka-taka, gayong sa latest population clock mula noong Marso 13, 2023 naitala sa 49.9 porsiyento ng kabuuang populasyon ng bansa ay mga kababaihan. Katumbas ito ng 57,057,144, ayon sa countrymeters.Info/en/ Philippines.
Kung aalalahanin, ang pundasyon ng Pilipino Star NGAYON ay nakatukod sa isang huwarang babae, ang nag-iisang ina ng Star Group of Publications, si Ma’am Betty (Billy Mary “Betty” Chua Go-Belmonte). Siya ay butihing may bahay ni Sir Sonny Belmonte Jr. at mapagmahal na ina nina Sir Isaac, Sir Kevin- President/CEO ng Philstar.com, Sir Miguel- President/CEO ng Star Media Group, at Ma’am Joy, Mayor ng Quezon City.
Imahe ng pusong dalisay at inspirasyon sa kanyang prinsipyo at paniniwala si Ma’am Betty. Mula nang itatag niya ang Pilipino Star NGAYON (dating Ang Pilipino Ngayon) noong Marso 17, 1986; walang pag-aalinlangan niyang hinarap ang iba’t ibang hamon sa pagiging dyarista hanggang sa mapagtagumpayan ito.
Natamo ang disenteng pagkakakilanlan ng PSN bilang pahayagan ng masa na aktibo sa sirkulasyon mula noon at hanggang ngayon, maging sa new media platforms.
Mistulang ihinulma hanggang maging ganap ang kasanayan at kakayahan ng isa pang iginagalang na babae sa likod ng paboritong pahayagan ng masa. Ang kasalukuyang Punong Patnugot ng Pilipino Star NGAYON na si Ma’am Jo Lising-Abelgas, kabiyak sa buhay ng batikang si Gus Abelgas. Mula sa pagiging beat reporter ay naging Metro NGAYON section editor siya hanggang sa ipamahala na rin sa kanyang liderato ang Editorial Department, makaraang magretiro ang pioneer Editor-in-Chief na si Al Pedroche.
Taglay ang kani-kaniyang istilo at talino sa pangangalaga sa bawat seksiyon, ang mayorya sa hanay ng PSN editors ay pawang mga babae: Rowena Del Prado- Bansa NGAYON, Salve Asis-Showbiz NGAYON, Ellen Fernando-Probinsya NGAYON, Jo Reducto- Libangan NGAYON at Beth Repizo-Meraña- Sports NGAYON. Ang bukod-tanging lalaki ay si Ronnie Halos- Opinyon NGAYON editor.
Gayundin sa grupo ng mga masigasig na PSN/PM reporters: Joy Cantos, Malou Escudero, Doris Franche-Borja, Gemma Garcia, Angie dela Cruz, Ludy Bermudo at Cristina Timbang, mas marami ang babae kumpara sa mga kasamahang lalaki na sina Danilo Garcia, Mer Layson at Russell Cadayona.
Ang iba pang department head sa Pilipino Star NGAYON office ay pawang kababaihan: Angie Isidro-Finance Head, Jay Sarmiento- Sales and Marketing Director, Edna Abong-Advertising Manager at Emie Cruz-Human Resources.
Kung bakit nasasaling ang usaping tungkol sa babae tuwing sasapit ang Marso, dahil ipinagdiriwang din ang National Woman’s Month.
Malinaw na hindi lang sa pambansang kamalayan, kundi maging sa liga ng Nagkakaisang Bansa at sa iba pang panig ng mundo ay binibigyang halaga ang isang babae sa loob at labas ng kanyang tahanan.
Isang pagpupugay sa lahat ng mga kababaihan.
- Latest