Philippine Heart Center Annex, ipatatayo ni Pangulong Marcos sa Clark
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatayo ng Philippine Heart Center (PHC) Annex sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.
Ang kautusan ay nakapaloob sa Executive Order No. 19 na nilagdaan ng Pangulo noong Marso 8, 2023.
Nakasaad sa EO 19 na karamihan sa mga Filipino na dumaranas ng cardiovascular disease ay kailangang magtungo pa sa Metro Manila kung saan naroon ang Philippine Heart Center.
Nakasaad sa EO na ang Clark Freeport Zone na may mga world-class na highway at isang international airport, ay gateway sa Central Luzon at ang pagtatatag ng isang espesyal na annex ng ospital sa Clark Freeport Zone ay magdadala ng de-kalidad na healthcare para sa mga mamamayan.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, ang cardiovascular disease ang nangungunang sanhi ng kamatayan sa bansa noong Oktubre 31, 2022.
Inatasan ng EO ang PHC na magtatag, mamahala, at mangasiwa sa PHC Clark at amyendahan ang kasalukuyang plano sa pagpapaunlad ng ospital upang isama ang mga iminungkahing programa para sa PHC Clark.
Matatandaang itinatag ang PHC sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 673 (s. 1975).
Ito ang natatanging ospital na nagbibigay ng specialty sa cardiovascular diseases.
Nakasaad pa sa EO na kukunin ang pondo sa Department of Health at PHC.
- Latest