1.22 milyong households nakinabang sa Kadiwa outlets

MANILA, Philippines — Umabot sa 1.22 milyong kabahayan ang nakinabang sa Kadiwa outlets sa buong bansa, ayon sa year-end report ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Hanggang noong Nobyembre ay umabot sa P418 milyon ang benta mula sa 19,383 Kadiwa selling activities kung saan nakinabang ang nasa 450 farmer cooperatives and associations (FCAs) at agri-fishery enterprises sa buong bansa.
Sa ilalim ng Kadiwa ng Pasko caravan, na balak ituloy pagkatapos ng holiday, mahigit P15 milyon ang nalikom na benta noong Disyembre 11, ayon sa ulat.
Bukod sa paglalagay ng mga Kadiwa outlet, ang gobyerno ay nagtayo rin ng mga Agri-Pinoy Trading Centers (APTCs), Diskuwento Caravans at tiniyak ang suplay at presyo ng asukal.
Sa kasalukuyan, ang Department of Agriculture (DA) ay nagpapatakbo ng 15 APTCs sa buong bansa kung saan nakikinabang ang 219,201 magsasaka at mangingisda.
Sa pamamagitan ng APTCs, pinangunahan ng DA ang kalakalan ng 214,758.21 metric tons (MT) ng mga pananim, 90,248 heads of livestock, at 1,789.94 MT ng fishery products na nagkakahalaga ng P16.65 bilyon.
Sa panig ng produksiyon, nakatuon ang administrasyon ngayong taon sa pamamahagi ng hindi nagamit na mga lupang pang-agrikultura sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) na may layuning mapataas ang produktibidad. 52,000 ektarya ng hindi nagamit na mga lupain ang natukoy para sa pamamahagi.
Namahagi rin ang gobyerno ng mga buto, pataba, at fuel discount voucher, farm inputs at materyales, at nagbigay sa mga magsasaka ng mga pasilidad ng irigasyon. Kabilang sa mga benepisyaryo ang 1.06 milyong rice farmers at 3,528 farmer cooperatives and associations (FCAs).
- Latest
















