Death toll sa Christmas floods, umakyat sa 32
MANILA, Philippines — Tumaas pa ang bilang ng mga nasawi sa Christmas Day flashfloods makaraang umabot na ito sa 32 katao.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes, 24 katao pa ang patuloy na pinaghahanap at nasa 11 ang mga nasugatan.
Naitala naman sa 24,557 pamilya o kabuuang 486,485 katao ang naapektuhan ng shear line o ang pagsasanib ng malamig at mainit na hangin na nagdulot ng malalakas na pag-ulan.
Sa nasabing bilang 12,264 pamilya o kabuuang 56,110 residente ang nanatili pa sa mga evacuation centers.
Nasa 4,068 mga kabahayan na karamihan ay sa Northern Mindanao ang nagtamo ng pinsala sa malalakas na pag-ulan na nagdulot ng mga pagbaha.
Ayon sa NDRRMC, ang pinsala sa imprastraktura ay naitala sa P 51.55 milyon habang sa agrikultura ay umaabot naman sa P206.49 milyon.
Samantala dalawa pang lugar sa Northern Mindanao at isa sa CARAGA Region ang wala pa ring supply ng kuryente habang tatlong lugar naman sa MIMAROPA at isa sa Northern Mindanao ang wala pa ring supply ng tubig.
Kabilang naman sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity ay ang Llorente, Eastern Samar; Dapitan, Zamboanga del Norte; Gingoog City, Misamis Oriental at ang lalawigan ng Misamis Occidental.
Naitala naman sa kabuuang P 49.43 milyon halaga ng tulong ang naipamahagi na sa mga residente sa mga naapektuhang rehiyon.
- Latest