Senador gustong iobliga 2-taong police, military training sa kolehiyo
MANILA, Philippines — Isinusulong ngayon ni Sen. Francis Tolentino ang dalawang taong basic military at police training para sa lahat ng estudyante sa kolehiyo at technical vocational courses, sa pag-asang "maiaangat" nito ang awareness ng kabataang tumulong sa panahon ng digmaan, sakuna atbp.
"Students who fail to undergo the mandatory Basic Military and Police Training Program in accordance with this Act shall not be qualified for graduation," ayon sa Senate Bill 1565 ni Tolentino na nakabinbin pa rin sa komite ngayong Disyembre.
"Students of higher and technical vocational institutions undergoing the Basic Military and Police Training Program shall not be subject to military or PNP law and shall be recognized as civilians in law."
Iba pa ito sa House Bill 6687 na ipinasa ng Kamara sa ikatlong pagbasa noong nakaraang linggo, na siyang nag-e-establish ng mandatory military at civic training sa kolehiyo — bagay na nababatikos ng ilan bilang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) na pinalitan lang ng pangalan.
Paliwanag ni Tolentino, merong "safeguards" ang panukala para sa proteksyon ng lahat ng estudyanteng sasailalim dito laban sa "bribery, corruption, graft, hazing,
sexual harassment."
Pagbasura sa required military training noon
Matatandaang ibinasura ang mandatory ROTC sa kolehiyo kasunod ng pagkamatay ng UST student na si Mark Chua, na siyang nag-report noon tungkol sa diumano'y korapsyon sa loob ng kanilang ROTC program. Itinuro ang ilang ROTC officials sa kanyang pagkamatay, kung saan isa sa kanila ang pinatawan ng parusang bitay.
Ika-14 lang ng Disyembre nang magpakalbo bilang protesta ang ilang miyembro ng No to Mandatory ROTC Network upang ipakita ang "marahas na mind-control policy" ng mandatory military training na siyang lumalabag din daw sa karapatan sa freedom of expression, safe spaces at pagtataguyod ng "bulag na pagsunod."
Sa mga nagdaang taon, paulit-ulit nang naibabalita ang isyu ng hazing sa loob ng ROTC. Bukod pa ito sa kaso ng mga namamatay na kadete ng Philippine Military Academy dahil din sa bugbog gaya ng sa kaso ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio noong 2020.
Exempted sa panukala
Sa ilalim ng SB 1565, "exempted" sa obligadong military at police training ang mga sumusunod:
- mga physically at psychologically "unfit" na estudyante
- mga napili ng kanilang eskwelahan bilang varsity players na sumasabak sa sports competitions
- mga ie-exempt sa training dahil sa "valid reasons" na siyang aaprubahan ng Department of National Defense at Department of the Interior and Local Government, matapos irekomenda ng kanilang educational institution
Bilang insentibo, maaaring i-enlist ang mga sumailalim dito sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Bureau of Jail management and Penology at Bureau of Fire Protection.
Bibigyan din ng libreng hospitalization ang lahat ng mga sasailalim sa Advance Military Training Course kung sakaling madisgrasya sa kalagitnaan ng pagsasanay.
Sa mga makakatapos ng training at apat na taong kurso sa kolehiyo, maaari silang kilalanin bilang First Level Civil Service Eligible, habang ang mga magtatapos ng Advance Military Training Program at apat na taong kurso ay kikilalaning Second Level Civil Service Eligible sa Civil Service.
======
Editor's note: Binago ang naunang headline na 'Senador gusto ng sapilitang 2-taong police, military training sa kolehiyo'
- Latest
- Trending