Libreng tuition sa law students, isinusulong
MANILA, Philippines — Isinulong ni Senator Raffy Tulfo ang panukalang gawing libre ang tuition fee at iba pang school fees ng mga kwalipikadong law students sa mga state universities at colleges (SUCs).
Sa Senate Bill 1610, nais din ni Tulfo na masolusyunan ang kakulangan ng empleyado sa legal na propesyon sa pamamagitan ng “mandatory return service” ng mga scholars na magtatrabaho sa Public Attorney’s Office (PAO) o anumang ahensya ng gobyerno na kulang sa abogado sa loob ng dalawang taon.
Ipinunto ni Tulfo na isa sa mga dahilan kung bakit hindi gumugulong ng maayos ang hustisya sa Pilipinas ay ang kakulangan ng mga abogado.
Sa kasalukuyan, mayroong ratio ng isang abogado na naglilingkod sa humigit-kumulang 2,500 katao, na napakalayo sa inaasahang isang abogado para sa bawat 250 katao.
Kahit mayroon ng “Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2017” na batas na nagbibigay ng libreng tertiary education sa mga bona fide students sa SUCs, sinabi ni Tulfo na hindi kabilang sa batas na ito ang mga aspiring law students dahil mayroon na silang bachelor’s degree.
Nagkakahalaga ng humigit-kumulang P75,000- P98,000 kada semestre ang bayad kada estudyante sa mga nangungunang pribadong legal na institusyong pang-edukasyon.
Ang matrikula naman sa mga state universities ay nagkakahalaga naman ng P24,000 hanggang P30,000, pero hindi pa kasama dito ang lahat ng gastos sa pamumuhay at iba pang mga pangangailangan.
Sa ilalim ng SB 1610, isasama sa Free Legal Education Board ang ang tuition fees na aprubado ng SUC governing board, gayundin ang bar examination at licensure fees at iba pang mga bayarin ng estudyante sa paaralan.
- Latest