Pagpaparehistro sa ‘poll watchers’ isinusulong
MANILA, Philippines — Isinusulong ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Ernesto Maceda Jr. ang pagpaparehistro sa mga “poll watchers” ng mga partidong politikal at mga kandidato bilang bahagi ng paglaban sa “vote buying” tuwing halalan.
Sinabi ni Maceda, ang bagong pinuno ng Comelec task force against vote-buying, na kapag nakakatukoy sila ng insidente ng bayaran kapag halalan, ang ikinakatwiran ng mga nahuhuli ay binabayaran lamang nila ang kanilang mga watchers.
Sa “automated overseas elections”, may probisyon umano dito na kung ang isang kandidato ay may watcher, dapat nakarehistro sila. Maaari umanong ipatupad ito sa lokal na halalan sa bansa para tukoy kung sino talaga ang mga watchers.
Bukod dito, sinusugan din ni Maceda ang naunang panukala na amyendahan ang Omnibus Election Code partikular ang Section 266 na hindi pinapayagan ang anumang pag-aresto dahil sa “vote-buying” o anumang “election offense” kung walang warrant.
“So unless you chance upon them in an inflagrante situation, eh kailangan sasampahan mo pa muna ‘yan ng kaso sa piskalya. Tapos aabot pa sa korte, so that’s one of the reasons it might take a long time,” ayon sa opisyal.
Kapag tapos na ang halalan at may nanalo na, umaatras na ang mga nais tumestigo sa kaso dahil sa nag-cool down na umano ang emosyon nila at tatanggapin na lamang ang resulta ng halalan.
- Latest





















