Typhoon Nanmadol tanghali papasok ng PAR ngayong Biyernes
MANILA, Philippines — Saglit lang maglalagi sa loob ng Philippine area of responsibility ang bagyong "Nanmadol" (international name) matapos nitong pumasok posible ngayong tanghali, ayon sa huling pagtataya ng PAGASA.
Ang mata ng bagyo ay namataan 1,530 kilometro silangan hilagangsilangan ng Extreme Northern Luzon, base sa pagmamatyag PAGASA nitong 4 a.m., Biyernes.
- Bilis ng hangin: 140 kilometro kada oras malapit sa gitna
- Bugso ng hangin: hanggang 170 kilometro kada oras
- Direksyon: silangan hilagangsilangan
- Pagkilos: 15 kilometro kada oras
"Ilang oras na lamang at papasok na ng Philippine area of responsibility ang typhoon with international name na 'Nanmadol,'" wika ni PAGASA weather specialist Benison Estareja kanina.
Gaya ng una nang sinabi ng local meteorologists, walang direktang epekto ito sa kabuuan bagama't malawak ang naturang bagyo.
Sa halip, unti-unti pa rin daw palalakasin ng bagyo ang ang Hanging Habagat sa Southern Luzon, Visayas at kanlurang bahagi ng Mindanao na siyang magdadala ng ilang pag-ulan.
"Base naman po sa pinakahuling track ng PAGASA, around noon time ay posibleng pumasok ng ating PAR si bagyong 'Nanmadol' at papangalangan po nating 'Josie,'" dagdag pa ni Estareja.
"Ito 'yung magiging pangsampung bagyo ngayong 2022 at pangalawa naman ngayong September."
Dahil sa mabilis lang ang nakikitang pamamalagi ng bagyo sa PAR, maaaring mamayang gabi ay lumabas na ito ng PAR patungo sa southern islands ng Japan pagsapit ng weekend.
- Latest