Barangay election planong ipagpaliban muli ng Kamara
Para makatipid ng P8 bilyon
MANILA, Philippines — Pinaplano na ng nalalapit na 19th Congress na ipagpaliban ang itinakdang pagdaraos ng Brgy. Elections sa darating na Disyembre para makatipid ng P8 bilyon na magagamit sa pagtugon sa COVID pandemic.
“‘Yun po ang isang hinaing po ng mga Barangay Chairpersons na na-meet natin sa Liga ng mga Barangay so we shall consider that,” pahayag ni House Majority Floorleader at 1st District Leyte Rep. Martin Romualdez.
Tatlong beses nang ipinagpaliban ang bgy. elections simula 2016 na muling itinakda sa Disyembre 2022.
“If that will be taken up, dapat immediately dahil Disyembre na ho ang barangay elections. Those will be one of the items sa priority agenda… Dapat ilagay din natin iyan under sa priority list under consideration,” dagdag ni Romualdez.
Samantala, inihayag rin ni Romualdez na isusulong sa Kamara ang isang stimulus bill, isang uri ng Bayanihan na panukalang batas na tatawaging Bayan Bangon Muli (BBM) bill sa pagbubukas ng 19th Congress.
Ang BBM bill ay kabilang sa istratehiya ni Marcos sa panahon ng pangampanya gayundin ang pagkakaisa ng mga Pilipino para sama-samang bumangon sa mga pagsubok tulad ng COVID-19 pandemic at krisis sa serye ng pagtaas na presyo ng langis.
Sinabi ni Romualdez na kung nagkakaisa ang mga mambabatas ay masaya at makakapagtrabaho ang mga ito ng husto upang makamtan ang anumang naisin para sa ikabubuti ng bansa at ng mamamayang Pilipino.
- Latest