6 senatoriables inendorso ng League of Provinces
MANILA, Philippines — Anim na kandidato pagkasenador ang opisyal na inendorso ng League of Provinces of the Philippines (LPP) batay sa survey na isinagawa ng grupo mula pa noong Disyembre 2021.
Ayon kay LPP president at Marinduque Governor Presbitero Velasco, Jr. kabilang sa mga napiling suportahan ng grupo ang mga sumusunod na senatorial candidates: Sorsogon Gov. Francis ‘Chiz’ Escudero; Sen. Sherwin Gatchalian; Sen. Joel Villanueva; Sen. Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri; former DPWH Secretary Mark Villar; at Deputy Speaker Loren Legarda.
Ani Velasco, nagkasundo ang 81 gobernador na miyembro ng LPP na magsagawa ng survey upang kilatisin at pumili ng mga senatorial candidates na may naiambag at may malaki pang maitutulong sa mga lalawigan. Anim na kandidato ang napili batay sa resulta ng survey na inilabas lamang ngayong Abril.
Sa isang liham sa LPP members, sinabi ni Velasco na kailangan ng mga gobernador ng kaalyado sa Senado upang isulong ang kanilang legislative agenda at ipagpatuloy ang mga nasimulan tungo sa fiscal at local autonomy ng local government units.
Lubos namang nagpasalamat si Nationalist People’s Coalition senatorial candidate Loren Legarda na siya’y napabilang sa anim na senatoriables na susupportahan ng LPP at ng 81 gobernador na kasapi sa Liga.
Kamakailan ay inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte si Legarda matapos purihin ang kanyang karanasan at mahabang serbisyo publiko. Ayon sa Pangulo, karapat-dapat ibalik si Legarda sa Senado dahil marami pa daw siyang matutulungang Pilipino.
Inendorso rin si Legarda ng Trade Union Congress of the Philippines at iba’t-ibang mayors’ leagues sa bansa.
- Latest