Public restrictions sa Alert Level 1 aalisin na
MANILA, Philippines — Pinaghahandaan na ng pamahalaan ang pagtatanggal sa mga paghihigpit o restrictions sa mga pampublikong sasakyan at mga establisimyento na isang indikasyong patungo na ang bansa sa “new normal”.
Ito’y kung patuloy na ang pagbuti ng sitwasyon sa pandemya sa mga darating na araw, ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na aalisin na ang mga paghihigpit sa public health at transportasyon sa oras na lumipat na sa new normal system ang bansa, alinsunod sa protocol sa ilalim ng Alert Level 1.
“’Pag nag-Alert Level 1 naman tayo ‘yun ’yung ating pamantayan, that’s our protocol, na ’yung restrictions talaga for establishments and public transport mawawala po ‘yan,” ani Vergeire.
Sinabi ni Vergeire na ang new normal ay katumbas na ng Alert Level 1 kung saan dapat nasa minimal at low risk na ang buong bansa.
Dapat din aniyang mas mababa sa 7 ang daily attack rate at mababa rin ang health care utilization para maideklara ang Alert Level 1.
Sa ngayon ay pinaghahandaan na ng gobyerno ang “new normal” na kailangan ding paghandaan ng mga mamamayan.
Pero kahit pa ideklara na ang ‘new normal’ hindi pa rin dapat mawala ng safety protocols lalo na ang pagsunod sa minimum public health standards.
- Latest