6 pasahero positibo agad sa libreng COVID-19 random antigen testing ng MRT-3
MANILA, Philippines — May mga nagpositibo agad sa COVID-19 sa unang sabak ng libreng random COVID-19 antigen testing na ibinibigay ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT) sa mga pasahero nito.
Ito ang kinumpirma ng linya sa unang araw ng kanilang testing sa mga MRT-3 passengers na boluntaryong magbibigay ng kanilang pahintulot, Martes.
Ngayong umaga lang, 7 a.m. hanggang 9 a.m., lumabas agad ang naturang mga resulta:
- positibo sa antigen test (6)
- negatibo sa antigen test (42)
- kabuuang bilang ng pasaherong tinest (48)
"Ang random antigen testing ay isinasagawa sa mga istasyon ng North Avenue, Cubao, Shaw Boulevard, at Taft Avenue tuwing peak hours mula 7:00 hanggang 9:00 sa umaga, at mula 5:00 hanggang 7:00 sa gabi," wika ng Department of Transportation-MRT-3 sa hiwalay na pahayag kanina.
"Kailangang punan ng volunteer passenger ang consent form at contact tracing form bago ang random antigen testing."
Libreng makakasakay ng MRT-3 ang mga komyuter na papayag sa random testing at magnenegatibo sa antigen test.
Ang naturang inisyatiba ay isinagawa ng pamunuan ng tren bilang pagtugon sa biglang pagtaas ng COVID-19 cases sa Metro Manila, na siyang nasa 2.99 milyon na ayon sa Department of Health (DOH) nitong Lunes.
Pano kung magpostibo?
Pero paano naman kung magpositibo ka sa antigen testing bago pa man sumakay ng MRT-3? Ayon sa linya, hindi na sila papapapasukin ng mga bagon at agad na pauuwiin.
"[H]indi na ito papasakayin ng tren at aabisuhan na kaagad magself-isolate at makipag-ugnayan sa local government unit (LGU) para sa health monitoring at confirmatory RT-PCR testing," dagdag pa ng DOTr-MRT-3 kanina.
"Magtatagal hanggang ika-31 ng Enero 2022 ang random antigen testing, maliban sa mga araw ng Sabado at Linggo."
Ika-10 ng Enero lang din nang simulan ng Philippine National Railways ang saril nitong random antigen COVID-19 testing ng mga pasahero. Ayon kay PNR assistant general manager Ces Lauta, plano nilang ma-test ang nasa 288 mananakay araw-araw.
Kahapon lang nang maitala ang nasa 33,169 bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, ang pinakamarami sa iisang araw lang sa kasaysayan ng bansa. Nangyayari ito kasabay ng pagpasok ng mas nakahahawang Omicron variant. — James Relativo
- Latest