Medical board exam sa Metro Manila kanselado
MANILA, Philippines — Nagdesisyon ang Professional Regulation Commission (PRC) na kanselahin na ang pagsasagawa ng Physicians Licensure Examination (PLE) ngayong buwan sa Metro Manila kasunod ng mga panawagan ng mga mag-aaral na ipagpaliban ito.
Inihayag ito ng PRC sa kanilang Facebook account ngunit hindi na binanggit ang dahilan nito.
Itinakda ang pagsusulit ngayong darating na September 11, 12, 18 at 19 sa Metro Manila. Kasabay nito ang eksaminasyon sa ibang lugar kabilang ang Baguio, Cagayan de Oro, Cebu, Davao, Iloilo, Legaspi, Lucena, Tacloban, Tuguegarao, at Zamboanga na magpapatuloy naman.
Una nang nanawagan ang Philippine Medical Students Association ay National Union of Students of the Philippines sa PRC na kanselahin ang pagsusulit sa Metro Manila dahil sa malaking pagtaas ng kaso ng COVID-19 dulot ng Delta variant.
Bukod sa PLE, kanselado rin ang Qualifying Assessment for Foreign Medical Professionals (QAFMP) na nakatakda ngayong Setyembre 13 at 20.
Sa anunsyo, maaring kumuha ng pagsusulit ang mga aplikante sa susunod na iskedyul ng PLE at hindi na sisingilin ng panibagong examination fees.
- Latest