Impeachment vs Leonen ibinasura ng Kamara
MANILA, Philippines — Sa botong 44-0 ay ibinasura ng House Committee on Justice ang impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.
Ang 44 votes ay pumabor sa pagbasura sa reklamo dahil umano sa insufficiency in form and substance ng reklamo ni Edwin Cordevilla, ang secretary general ng Filipino League of Advocates for Good Government.
Ayon kay justice committee chairman 3rdDistrict Leyte Rep. Vicente Veloso, nabigo si Cordevilla na magprisinta ng ‘authentic’ o tunay na rekord bilang bahagi ng mga ebidensya upang suportahan ang impeachment complaint laban kay Leonen.
Sa pagdinig ay nakuwestiyon na ‘photocopies’ lang ang mga isinumiteng dokumento para suportahan ang reklamo kaya’t maituturing lang na ‘hearsay’ ang mga alegasyon dahil sa kawalan ng ‘personal knowledge.’
Binigyang diin naman ni Atty. Larry Gadon, abogado ni Cordevilla, na noong nagkaroon umano ng impeachment laban kina dating SC Chief Justices Renato Corona at Maria Lourdes Sereno ay pawang mga photo copy din ang mga ipinakitang ebidensya pero agad umanong ipina-subpoena ng Committee on Justice ang mga orihinal na dokumento mula sa Supreme Court at BIR.
Pwede rin umanong gawin ito kay Leonen lalo pa at matitibay ang ebidensya partikular na ang kabiguan nito na magsumite ng kanyang Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) sa loob ng 15 taong panunungkulan nito sa UP College of Law. - Angie dela Cruz
- Latest